Sa pagdiriwang ng DOST XII ng kanilang taunang selebrasyon ng National Science and Technology Week (NSTW) 2021 SOCCSKSARGEN Celebration na nagsimula kahapon Nobyembre 25 ng kasalukuyang taon ay hayagang ipinagmalaki ng nasabing kagawaran ang pagkasungkit ng VL FOOD PRODUCTS sa gantipalang Most Productive MSME ng taon sa ginanap na Search for BEST SETUP Adapter PRAISE Award 2021 na patimpalak na ginanap kamakainlan sa lungsod ng Maynila.
Ang Best SETUP Adapter PRAISE award na patimpalak ay taunang aktibidad na ginagawa ng DOST na nagsisilbing sukatan sa pagkilala sa mga SETUP beneficiaries sa buong bansa sa kanilang productivity, resilience, agility, innovation, sustainability, and excellence. Ito’y mga kategorya na basehan ng isang benepisyaryo upang magpapalago at magpapalawig sa kanilang marketing range o saklaw ng pamilihan sa kabila ng anumang hamon sa kanilang operasyon.
Nasungkit ng VL FOOD PRODUCTS ang naturang gantimpala matapos ito’y makipagkumpetensya sa labing anim na SETUP beneficiaries entries sa buong bansa. Ang nasabing parangal ay isang karangalan para sa DOST XII sa kanilang programang SETUP o Small Enterprise Technology Upgrading Program particular ang DOST XII Science and Technology Provincial Office ng SarGen sa pamumuno ng kanilang panlalawigang director Forester Nabil Hadji Yasin kung saan ang VL FOOD PRODUCTS ay SETUP benepisyaryo ng DOST XII-PSTO SarGen.
Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni Ms. Chique Abajero, Operations Manager ng VL FOOD PRODUCTS sila DOST Secretary Fortunato de la Peña, DOST XII Regional Director Engr. Sammy P. Malawan, CESE at iba pang pangunahing opisyales ng DOST XII sa pagbibigay ng DOST sa kanya ng oportunidad at pagkapanalo nya bilang regional winner na siyang nominado na kumatawan sa rehiyon dose sa pambansang patimpalak para sa paghanap ng Best SETUP PRAISE Award 2021.
“Isa pong malaking karangalan sa VL FOOD PRODUCTS ang mahirang na regional winner at mapabilang sa top 5 finalists. Ang pagkilala na ito ay makakatulong sa pagpapalakas ng aming kompanya sa lahat ng aspeto at magiging avenue upang makamit ang aming adhikain bilang tuna manufacturing company.” Pahayag ni Ms. Abajero.
Matatandaan na ang VL FOOD PRODUCTS ay hinirang na regional winner 2021 ng DOST XII makaraang sumailalim sa evaluation and assessment ng kagawaran ng Agham at Teknolohiya sa rehiyon dose nitong mga nakaraang buwan. Ito ay tumanggap ng dalawampong libong piso sa pagiging regional winner nito at dagdag na limampong libong piso nang ito’y maging isa sa mga top finalists.