Apat (4) na karagdagang Micro- Small and Medium Enterprises (MSMEs) ang bagong inaprobahan ng DOST XII sa probinsya ng North Cotabato na mabigyan ng Innovation System Support Fund (ISSF).
Ang ISSF ay ipinagkakaloob ng DOST sa mga MSMEs na nais ma-upgrade ang proseso at ma-enhance ang kalidad ng produkto sa ilalim ng Small Enterprise Technology Upgrading Program o SETUP ng ahensya.
Ayon kay Engr. Sammy Malawan- DOST XII Regional Director, mula Enero hanggang ngayong Abril ng taon, meron nang labindalawang (12) benepisyaryo ng SETUP ang rehiyon. Tatlo (3) ang nasa Sarangani at GenSan, apat (4) sa South Cotabato at kabuuang lima (5) na ang sa North Cotabato.
Naganap ang paglagda ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng DOST XII at ng karagdagang apat (4) na MSME-beneficiaries sa kakatapos lamang na DOST XII Stakeholders Forum kada distrito ng North Cotabato- noong ika-20 ng Abril sa ikatlong (3rd) distrito sa Kabacan at nakaraang ika-21 naman ang sa ikalawang (2nd) distrito na ginanap sa Kidapawan.
Ang naturang MSME-beneficiaries sa Probinsya ng Cotabato ay ang mga sumusunod: Gabriel Fruit Production and Processing sa Tulunan; NCV Machine Shop sa Kidapawan City; FC Martinez Industrial Machine Shop sa Midsayap; at, R&G Food Products sa Kidapawan.
“Makakaasa po kayo na buo ang suporta namin hindi lamang hanggang sa pagbigay ng mga processing equipment kundi pati narin sa pagkakaloob ng consultancy services gaya ng Manufacturing Productivity Extension Program, Energy Audit, Cleaner Production, Food Safety kasama na ang cGMP or current Good Manufacturing Practices at HACCP or Hazard Analyses Critical Control Point. Gayon din sa aspeto ng Packaging and Labeling, maging sa Plant Layout. At bukas po ang aming Regional Standards and Testing Laboratory sa Koronadal para sa kakailanganing tests and analyses ng inyong produkto”, ani RD Malawan sa kanyang Opening Remarks sa mga nasabing forum.
Hanggang 3 Million ang halaga ng proyektong maaring pondohan ng DOST XII sa ilalim ng SETUP ayon kay Provincial Director Michael Mayo.