MENU

 

KIDAPAWAN CITY (22 January 2021) – Ayon sa bagong naitalagang Regional Director ng DOST XII, Engr. Sammy P. Malawan, CESE, mamamahagi ang ahensya ng labin-isang (11) unit ng RxBox sa mga tukoy na bayan sa Lalawigan ng North Cotabato ngayong 1st semester ng taon.

 

Ang RxBox ay kagamitang telemedicine na may kakayahang mag-capture ng medical signals sa pamamagitan ng built-in medical sensors nito, mag-ipon ng datus sa CHITS o Community Health Information Tracking System and iClinicsys at pagpapadala nito sa klinikal na espesyalista sa Philippine General Hospital sa pamamagitan ng internet.

Tinatawag din itong ‘life-saving diagnostics in a box’.

 

“Napapaloob na sa RxBox ang Temperature Sensor na maka-tiktik ng lagnat o impeksyon; Blood Pressure Monitor; Pulse Oximeter na sumusukat ng antas ng oxygen sa dugo ng tao ganun din ng problema sa lungs at cardiovascular; Electrocardiogram o ECG na nagmo-monitor ng paggalaw ng puso upang makapag-supply ng dugo sa buong katawan; Fetal Heart Monitor na sumusukat sa heart rate ng sanggol sa sinapupunan ng ina; at Maternal Tocometer na sumusukat sa kabuuang lakas ng uterin contractions ng buntis sa panahon ng panganganak, ” pagpapaliwanag ni Mr. Hussein B. Derico, RN, MAN, Science Research Specialist I ng RxBox Project.

 

Sa pangkalahatan, ang telehealth system na ito ay dinisenyo upang matugunan ang mas madalian at maayos na pag-access sa serbisyong medikal sa malalayong pook at mga komunidad na nahiwalay sa kabihasnan.

 

Isa ang RxBox sa mga programa ng DOST sa hangarin nitong maisulong ang ‘Smarter Philippines’. Suporta din ito ng ahensya sa panawagan ng DOH tungo sa ‘Kalusugang Pangkalahatan’.

 

Binigyang-diin ni RD Malawan na mababawasan ng RxBox ang pangkalahatang halaga ng serbisyong pang-kalusugan dahil natutulungan nito ang mga health workers na mag diagnose, mag monitor at magpagaling ng pasyente sa mismong rural health facility lamang.

 

Natutugunan din ng RxBox ang tinatawag na ‘local referral system’ sa pamamagitan ng pag-facilitate ng teleconsultations o audio-video conferences sa loob ng National Telehealth Service Program.

 

“Sa katunayan, naipamahagi na sana ng DOST ang mga unit sa buong bansa bago natapos ang 2020 subalit naantala ito dahil bukod sa pandemya, bumagyo din. Kaya sana sa Abril nitong taon, tuloy-tuloy na ang pagbaba natin ng mga RxBox units dito mismo sa probinsya”, ayon kay Provincial S&T Director (PD) Michael Mayo.

 

Ayon pa kay PD Mayo, ang mga tukoy na bayan na mabibigyan ng RxBox ngayong tao ay ang mga sumusunod:


1) Alamada
2) Aleosan
3) Antipas
4) Arakan
5) Banisilan
6) Magpet
7) Makilala
8) Mlang
9) Provincial Health Office (PHO) - North Cotabato
10) Pikit
11) Tulunan

 

Katuwang ang Provincial Government sa pangunguna ni Governor Nancy Catamco sa pagpapatupad nito sa buong lalawigan ng Cotabato, bunga narin ng pag-endorso at suporta ni Board Member Dr. Krista Piñol-Solis.

 

Ang RxBox Research Program ay nabuo sa pagtutulungan ng mga ahensyang nasa ilalim ng DOST (PCHRD, PCIEERD, ASTI, ICTU) at nang University of the Philippines (Diliman, Manila) at ng Electrical and Electronics Engineering Institute.

 

 

Pin It

Video Gallery