MENU

 

Walang mapagsidlan ang kaligayahang naramdaman ng mga residente ng sitio Tupi Bato, Midtungok, Senator Ninoy Aquino, Sultan Kudarat nang matapos ang konstruksyon ng Hydraulic Ram Pump sa kanilang lugar. Ang nasabing water project ng Department of Science and Technology region XII ay sa ilalim ng programang Community Empowerment Thru Science and Technology (CEST) Water and Sanitation key entry point.

 

Ang nasabing proyekto ay bilang tugon sa pambansang programa ng pamahalaan may kaugnayan sa Poverty Alleviation na naglalayong maiangat ang antas ng kalidad ng pamumuhay ng mga mamamayan. Ang nasabing tulong pantubig ng DOST XII ay mapapakinabangan ng mahigit limampong sambahayan ng Tupi Bato na matagal ng naghihikahos sa kakulangan ng tubig inumin.

 

Sa panayam kay sitio leader Mr. Juvy Flores, kanyang sinabi na labis- labis ang kanilang pasasalamat sa DOST XII sa pagkakaroon nila ng permanenteng pagkukunan ng tubig inumin. Dagdag pa nya na mahabang panahon nila pinangarap na magkaroon ng malinis at ligtas na tubig inumin para sa mga naninirahan sa naturang sitio at mga karatig komunidad nito.

“Masyado kaming nahihirapan lalo na kapag tagtuyot. Kasi kulang talaga ang supply ng tubig inumin. At kung mayroon man, ay ito’y hindi ligtas, dahil madalas ito ang pinagmumulan ng pagtatae ng mga residente.” pahayag ni Flores.

 

Ang Hydraulic Ram Pump ay nagpapalabas at sumasala ng tubig galing sa water source. Ito’y isang epektibong pasilidad pantubig na magsisilbing tugon sa ilang dekadang suliranin sa inuming tubig sa nasabing komunidad ng animnapung porsyentong Dulangan-Manobo na naninirahan sa liblib at bulubunduking bahagi ng barangay Midtungok ayon kay punong barangay Mamerto Parong.

 

Matatandaan na ang konsruksyon ng naturang Ram Pump ay inumpisahan noong ika-apat ng Agosto taong kasalukuyan at natapos kamakailan lang. Nakatakdang pasinayaan ngayon ika dalawampo’t apat ng Setyembre upang pormal ng mailipat sa pangangalaga ng mga benepisyaryo nito.

 

Ang nasabing proyektong patubig ng DOST XII ay naisagawa sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng mga partner agencies ng pamahalaan gaya ng DOLE XII, 7IB ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, mga yunit ng pamahalaang local ng Senator Ninoy Aquino, yunit ng pamahalaang panlalawigan ng Sultan Kudarat, opisyales ng barangay, mga pinuno ng mga sitios at iba pang stakeholders.

 

Pin It

Video Gallery